
Abot sa 162 na residente ng probinsya ng Sulu ang naoperahan sa ibat-ibang parte ng katawan sa katatapos lang na limang araw na outreach activity sa bayan ng Jolo ng Bangsamoro health ministry.
Sa pahayag nitong Miyerkules ng regional health minister ng Bangsamoro region, ang physician-ophthalmologist na si Kadil Monera Sinolinding, Jr., 56 sa naturang mga pasyente ang sumailalim sa maselang mga operasyon na isinagawa sa Sulu Provincial Hospital sa Jolo ng mga manggagamot ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Sinolinding, ang libreng surgical procedures katulad ng herniorrhaphy, thyroidectomy, hydrocoelectomy, cholecystectomy, hemorrhoidectomy, fistulectomy, sequestrectomy at iba pa na kanilang ginawa ng libre sa 162 na mga pasyente mula sa ibat-ibang mga bayan sa Sulu ay kaugnay ng Kasama MOH sa Kalusugan Program ng MoH-BARMM.
Ang naturang programa ay magkatuwang na ipinapatupad sa autonomous region ng MoH-BARMM at ng tanggapan ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim. (Sept. 11, 2024)