Motoristang may shabu sa brief, nasabat, kulong

NAHULI ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng pinaghihinalaang ilegal na droga sa isinagawang checkpoint operation ng Tugunan PNP bandang alas-5:20 ng hapon kahapon, April 11, 2026, ayon sa ulat ng Catholic Station DXMS sa Cotabato City.

Batay sa ulat ng PNP, isinagawa ang operasyon sa harap mismo ng Tugunan Municipal Police Station na pinamumunuan ni PLt. Cixon Jayectin Kasan.

Dagdag pa sa ulat ng Tugunan PNP, hinarang ng mga pulis ang isang Honda XRM na motorsiklo para sa routine inspection.

Sa paunang pagtatanong, napansin umano ng mga operatiba na tila kinakabahan at nanginginig ang back rider, kaya’t pinababa ang parehong drayber at angkas para sa mas masusing inspeksyon.

Sa isinagawang body search, narekober mula sa back rider na kinilalang si Henry Jawjan Pua, residente ng Sitio Patay, Barangay Calawag, Pikit, North Cotabato, ang isang pakete ng sigarilyong “Berlin” na naglalaman umano ng pinaghihinalaang ilegal na droga.

Bago ito tuluyang makuha, sinubukan pa umanong itapon ng suspek ang naturang pakete mula sa harapang bahagi ng kanyang underwear.

Samantala, kinilala naman ang drayber ng habal-habal na si Tannie Guiamalon.

Agad na isinagawa ng mga pulis ang kaukulang dokumentasyon at ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas.

Dinala rin sa himpilan ang mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng pulisya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad. (Source: Catholic Station DXMS, Cotabato City, April 12, 2026)