Walo katao kabilang ang limang estudyante at isang negosyanteng babae ang sugatan nang araruin sila ng isang motorsiklo na nawalan umano ng kontrol sa Barangay Magsaysay sa Lopez, Quezon, kahapon ng hapon, August 11, 2024.
Kinilala lamang ng pulisya ang limang estudyante sa mga alyas na “Yna”, 20; “Chubs”, 16; “Nhaz”, 14; “John”, 17, at John Paul, 18; mga residente ng Brgys Bijajo, Villa Espina, Hagakhakin, Rosario sa Lopez, Quezon, ayon sa pagkakasunod.
Kabilang pa sa mga biktima ay ang negos¬yanteng si alyas “Chrisha”, 19; ang makeup artist na si alyas “Eunard”, 30, at obrerong si alyas “Emerson”, 30, na kapwa isinugod sa Magsaysay Memorial District Hospital para magamot.
Lahat ng biktima ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng isang Yamaha NMAX motorcycle (326DPZ) na minamaneho ni alyas John, 18, estudyante, ang lugar patungo sa kahabaan ng Maharlika Highway, kahapon ng alas-12:30 ng tanghali nang pagdating sa isang pakurbang bahagi ng kalsada sa Brgy. Magsaysay ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng motorsiklo at dire-diretsong binangga ang mga biktima na nakatayo sa kanang bahagi ng kalsada.
Isinugod ang nasabing motor rider driver kasama ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries laban sa nasabing driver na inaresto ng mga rumespondeng pulis.
(Source: Pilipino Star Ngayon, August 12, 2024, Ed Amoroso)