MoTC-BARMM, Basilan officials, kasama sa serbisyo publiko

Nagalak at nagpasalamat pa ang mga opisyales ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOTC-BARMM) kay Basilan Gov. Hadjiman “Jim” Salliman at Lamitan City Mayor Roderick “Oric” Furigay sa kanilang masigasig na suporta sa mga programang serbisyo publiko ng kanilang ahensya.

Pinasalamatan din, nitong Lunes, September 16, 2024, ng accountant-lawyer na si Paisalin Tago, minister ng MoTC-BARMM at miyembro ng Bangsamoro regional parliament, si Gov. Salliman at Mayor Furigay sa kanilang extensibong suporta sa ginawang public consultation sa Lamitan City, nito lang nakalipas na linggo, hinggil sa panukalang Bangsamoro Regional Revenue Code na binabalangkas na ng 80 na mga kasapi ng parliamento.

Mainit ang pagtanggap nila Mayor Furigay at ni Gov. Salliman sa mga BARMM parliament members na nagsagawa ng naturang public consultation sa probinsya, ayon kay Minister Tago.

Ayon kay Minister Tago, isang “positive factor,” o malaking bagay, para sa MoTC-BARMM ang magkatuwang na pagtangkilik nila Mayor Furigay at Gov. Salliman sa mga programa ng mga provincial offices sa Basilan ng MoTC-BARMM, kabilang dito ang Bangsamoro Ports Authority, Bangsamoro Land Transportation Office, Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board at iba pa.

Ang Lamitan City, na ang local government unit ay nakatanggap na ng anim na Seal of Good Local Governance mula sa central office ng Department of the Interior and Local Government nitong nakalipas na pitong taon, ay kilala na ngayon bilang bagong investment hub ng Basilan, o potensyal na sentro ng mga negosyong maaring itayo ng mga lokal at mga dayuhang kapitalista. (September 16, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *