Patay ang isang commander ng armadong grupo habang sugatan naman ang isang residenteng naipit sa mga serye ng mga barilan sa tatlong mga seaside barangays sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Martes.
Kinumpirma nitong Miyerkules ng mga barangay leaders at mga opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang pagkasawi ng isang nakilalang Commander Saidali, na Saidali Mantawil ang tunay na pangalan, sanhi ng palitan nila ng mga putok gamit mga M14 at M16 assault rifles sa Sitio Lidepan sa Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat.
Unang nagkaputukan ang iba pang mga kasapi ng dalawang grupo sa Barangay Mompong at Linek sa naturang bayan na nagresulta sa pagkasugat ng isang residenteng nakilala lamang na Suharto, naipit sa engkwentro.
Iniwan ng mga kasama ang napatay na si Commander Saidali sa kanilang agarang paglayo sa Sitio Lidepan ng mapatay siya gamit mga assault rifles ng mga kalaban na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Malaking bilang ng mga mahihirap na mga etnikong Teduray at mga Moro na naninirahan sa mga lugar na apektado ng kaguluhan ang napilitang lumikas sa takot na maipit sa palitan ng putok. (July 24, 2024)