Malaking bilang ng mga Maranao ang dumalo sa ginawang provincial assembly ng Bangsamoro Party (BAPA) ng Moro National Liberation Front Front sa Masiu, Lanao del Sur nitong Sabado, July 20, 2024, bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Halinhinang ipinaliwanag nila Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, presidente ng BAPA Party, at iba pang mga opisyal ng MNLF na dumalo sa naturang assembly, na isa sa layunin ng partido ay ang maipagpatuloy ang pagsulong ng mga programa ng pamahaalan na naglalayong ganap ng maging mapayapa ang Bangsamoro region na saklaw ng peace process ng Malacañang at mga Moro communities.
Sa tantya ng mga lokal na kinauukulan at ng mga MNLF officials sa Lanao del Sur, hindi bababa sa 10,000 ang mga dumalong kasapi at supporter ng BAPA Party sa assembly nito sa bayan ng Masiu sa unang distrito ng Lanao del Sur.
Maliban kay Labor and Employment Minister Sema, dumalo din sa naturang assembly sina Bangsamoro Trade Minister Abuamri Tadik, sina Bangsamoro parliament members Adzfar Usman, Muslimin Jakilan, Hatimil Hassan, Romeo Sema, Yasser Sema, Ali Babao, at mga MNLF officials na sina Abduljabbar “Afrika” Mamoclo at Giobay Diocolano.
Sa kanilang mga hiwalay na mensahe sa mga dumalo sa assembly, nanawagan ang naturang mga MNLF officials ng patuloy na pagtangkilik at suporta sa Mindanao peace process at pagbigay halaga sa mga mabubuting bunga ng September 2, 1996 peace agreement ng MNLF at ng pamahalaan at ng hiwalay na kasunduang pangkapayapaan ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front. (July 21, 2024)