Mahigit 200 na mga taga Datu Unsay, Maguindanao del Sur ang nagsilikas sa mga ligtas na lugar nitong Miyerkules sanhi ng barilan ng dalawang grupong kabilang sa Moro Islamic Liberation Front na nanunog pa ng ilang mga bahay bago tumakas ng papalapit na ang mga sundalong nagresponde sa insidente.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng 6th Infantry Division at the Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, grupo ng magkalabang sina Commander Panzo at Commander Tunga ang nagka-engkwentro sa Sitio Irrigation sa Barangay Meta, Datu Unsay na siyang nagsanhi ng paglikas ng mga inosenteng mga residenteng naipit sa kaguluhan.
Sa ulat ng pulisya at ng mga units ng 6th ID sa Maguindanao del Sur, kabilang sa mga dahilan ng away ng dalawang grupo ang bangayan sa pulitika at agawan ng mga teritoryo.
Si Panzo ay kasapi ng 118th Base Command ng MILF habang si Tunga ay kabilang naman sa mga MILF commanders na miyembro ng 105th Base Command ng naturang grupo.
Nanawagan nitong umaga ng Huwebes si Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th ID, at si Bangsamoro regional police director Brig. Prexy Tanggawohn sa liderato ng MILF at sa mga opisyal ng joint ceasefire committee ng naturang grupo at ng pamahalaan na ayusin ang sigalot ng dalawang magkaaway na mga commanders. (JUNE 20, 2024)