Namigay ng ayuda sa 600 katao sa isang kampo ng Moro Islamic Liberation Front sa Munai, Lanao del Norte ang Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nitong Sabado, August 17, 2024.
Ang naturang inisyatibo ng MoLE-BARMM, nasa pamamahala ni Regional Labor Minister Muslimin Sema, ay kaugnay ng pagdalaw nitong Sabado ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, chairman ng MILF central committee, sa naturang kampo, upang makipag-dayalogo sa mga naninirahan doon.
Isang layunin ng mga opisyal ng BARMM sa pagsagawa ng naturang aktibidad ay upang magpaabot sa kanila ng humanitarian support sa pamamagitan ng Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) Program.
Mainit ang pagtanggap ng mga residente ng Camp Bilal kay Chief Minister Ebrahim at mga kasamang dumalaw doon upang tiyakin ang kahandaan ng BARMM government na magserbisyo sa kanila kahit na hindi sakop ng autonomous regional government ang bayan ng Munai sa Lanao del Norte kung saan naroon ang Camp Bilal.
Kaugnay ng naturang aktibidad, namigay ng bigas at hygiene kits ang tanggapan ni MoLE-BARMM Minister Sema sa 600 na mga naninirahan sa Camp Bilal, bilang suporta sa public service program ng tanggapan ni Chief Minister Ebrahim para sa mga pamilyang naroroon.
Si MoLE-BARMM Director-General Surab Abutazil, Jr. ang naging representatibo ng labor and employment ministry sa kaganapan nitong Sabado sa Camp Bilal. (August 18, 2024)