Abot sa 130 na mga batang mag-aaral sa Kiblawan, Davao del Sur, marami sa kanila mula sa pamilyang mga Blaan, ang tumanggap ng school supplies at iba pang mga gamit sa pag-aral sa magkatuwang na outreach mission ng isang pribadong kumpanya, katuwang ang mga local officials, kamakalawa.
Mismong mga local officials at mga kawani ng Department of Education na naka-base sa bayan ng Kiblawan ang nag-ulat sa mga reporters nitong Huwebes ng isinagawang pamimigay ng school supplies ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, sa 130 na mga mag-aaral ng Nodilla Elementary School sa Barangay Bulolsalo na maraming mga pamilyang etnikong Blaan na umaasa lang sa pagsasaka para sa kanilang ikakabuhay.
Ang SMI ay kontratado ng Malacañang na magsagawa, simula sa susunod na taon, ng Tampakan Copper-Gold Project, o pagmina ng copper at gold sa mga balwarte ng mga Blaan sa Tampakan, South Cotabato na may lubos na pagsang-ayon ng Blaan tribal council sa naturang bayan at ng National Commission on Indigenous People.
Kabilang ang school head ng Nodilla Elementary School, si Johare Canacan, at si Kiblawan Mayor Joel Calma, sa mga nagpasalamat sa SMI sa pagtulong nito sa mga mag-aaral ng naturang paaralan.
Nag-donate din kamakalawa ang SMI ng dalawang 40-inch television sets para makapanood ng educational TV programs ang mga batang mag-aaral sa Kisulan Elementary School sa isa pang barangay sa Kiblawan, ayon sa mga kawani ng Kiblawan LGU at mga guro ng naturang paaralan, isa sa kanila si teacher Jonalyn Tapic. (August 8, 2024)