Nagalak ang mga taga Bangsamoro region sa inisyatibo ng Department of Transportation na makilala na sa buong bansa ang mga drivers’ license mula sa autonomous regional government na hindi iginagalang ng mga law enforcement agencies sa labas ng anim na probinsyang sakop nito.
Magkahiwalay na inanunsyo nitong Byernes, October 13, 2023, ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, pinamumunuan ng abugadong si Minister Paisalin Pangandaman Tago, at ng mga opisyal ng regional police na naresolba na ng Land Transportation Office ng DOTr at ng BARMM government ang problema sa pamamagitan ng mga dayalogo nitong nakalipas na mga buwan.
Ang operasyon ng LTO ay ipinagkatiwala na ng central office ng DOTr sa MOTC-BARMM mahigit tatlong taon na ang nakalipas batay sa charter ng Bangsamoro region, ang Republic Act 11054, o Bangsamoro Organic Law.
Isang dokumentong may lagda ni DOTr Secretary Jaime Bautista, may petsang September 19, 2023, ang tinanggap nitong Biyernes ng mga reporters sa Bangsamoro region na nagsasaad ng mga kasunduan ng LTO central office at ng regional government hinggil sa pakikipag-ugnayan ng dalawang panig kaugnay ng ganap na pagkilala na sa lahat ng rehiyon ng mga driver’s license at mga vehicle registration papers na mula sa LTO-BARMM.
Ilang mga taga BARMM ang nag-reklamo nitong nakalipas na mga buwan hinggil sa hindi pagkilala ng kanilang mga driver’s license na kanilang ginamit sa kanilang mga transaksyon sa bangko, sa mga money remittance outlets at sa pagkuha ng mga importanteng dokumentong kinakailangan ang mga identification cards na katulad ng driver’s license, Professional Regulatory Commission, o national identification cards.
Malaking bilang ng mga residente ng BARMM, na sakop ang mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi, ang nagka-problema din sa hindi pag-galang ng mga kawani ng LTO at ng mga kasapi ng Philippine National Police ng kanilang mga drivers’ license at vehicle registration ng masita sa mga checkpoints sa labas ng autonomous region. (OCTOBER 13, 2023) JOHN UNSON, COTABATO CITY)