Tatlong Chinese investors ang nais na mag-negosyo sa probinsya ng Cotabato upang makatulong sa lokal na ekonomiya at makapagbigay ng trabaho sa mga residente ng mga bayan na maaring pagtayuan ng ibat-ibang industriya.
Nagpulong nitong Huwebes, July 18, 2024, sa Cotabato Provincial Capitol sa Kidapawan City sina Provincial Administrator Aurora Garcia, ang chairman ng Emandarin Ventures Incorporated (EVI) na si Thomas Yen, at mga kapwa negosyanteng sina Anderson Wong at Bob Yan kung saan kanilang tinalakay ang investment potentials ng probinsya, kilalang “new investment hub” ng Region 12.
Sa pahayag nitong Biyernes, kinumpirma ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza ang mithiin ng tatlong mga banyagang kapitalista na maglagak ng pondo para sa agriculture, industrial technology at manufacturing industries sa probinsya na may 17 na mga bayan at mahigit 40 na mga barangays dito sa Kidapawan City na siyang kabisera nito.
Sa kanilang dayalogo kay Garcia at mga opisyal ng ibat-ibang tanggapan sa Cotabato governor’s office, ipinaliwanag nila Yen, Wong at Yan na ang pagiging mapayapa ng Cotabato at ang masigasig na mga programa ni Mendoza na isinusulong ang lokal na komersyo at industriya ang nakaengganyo sa kanilang magtayo ng ibat-ibang negosyo sa probinsya.
Ayon kay Mendoza, chairperson ng multi-sector Regional Development Council-12, magtutulungan ang mga local government units sa probinsya, ang Cotabato Provincial Police Office at ang militar sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga lugar kung saan nais magtayo ng mga negosyo ang mga kapitalistang mula sa ibat-ibang rehiyon at sa ibat-ibang bansa. (July 19, 2024, JFU)