
Masakit para sa mga anak ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front, marami sa kanila naulila sanhi ng pagkasawi ng mga magulang sa mga labanan noong dekada ’70, ang pagkakatanggal ng Supreme Court sa Sulu sa mga probinsyang sakop ng Bangsamoro region.
Maraming kasapi ng MNLF Women’s Committee at ang kanilang Anak MNLF Members Group sa Sulu at sa limang probinsyang nananatiling sakop ng Bangsamoro region ang nagpahayag nitong Lunes, September 16, 2024, sa ibat-ibang mga himpilan ng radio sa Mindanao na kanilang ikinalungkot ang decision ng Supreme Court na tugon sa petisyon ni Gov. Hadji Abdusakur Tan na tutol sa panukalang masakop ng autonomous region ang kanilang probinsya.
Ayon kay Farserina Mohammad, mataas na opisyal ng MNLF Women’s Committee at ng Anak MNLF Members Group, ang pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay bunga ng matagal na negosasyon ng mga Moro communities sa Mindanao at ng Malacañang.
Ayon kay Mohammad at kanyang mga kasama, ang Sulu ay kilalang sentro ng madugong labanan noong dekada ’70 ng mga tropa ng gobyerno at mga MNLF guerillas na nakipaglaban para sa kapayapaan at kaunlaran sa kontexto ng autonomy, o self-rule, sa ilang mga probinsya sa Mindanao.
Mismong si Tan ang humiling sa Supreme Court na huwag isama sa mga probinsyang sakop ng BARMM ang Sulu dahil bumoto laban dito ang mga botante sa probinsya sa plebisito noong 2019 kaugnay ng panukala sa kongreso na Republic Act 11054 na kalaunan ay naging charter ng BARMM.
Ayon kay Mohammad, dapat sana ay nabigyang konsiderasyon ng executive, legislative at judicial branches ng pamahalaan na bagama’t may ganoong hiling sa Supreme Court ang governor ng Sulu, ang pagkakatatag ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng pumalit dito na BARMM ay bunga ng peace process na magkatuwang na isinulong ng national government at mga bansa na miyembro ng Organization of Islamic Cooperation. (September 16, 2024)