Nasamsam ng mga nagpapatrolyang mga sundalo ang matataas na kalibre ng mga armas at mga pampasabog, natagpuang abandonado sa isang liblib na pook sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Linggo, August 18, 2024.
Sa pahayag nitong Lunes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, iniwan ng magkasanib na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang naturang mga gamit pandigma ng mapuna nilang may mga tropa ng 1st Mechanized Infantry Battalion na papalapit sa kanilang kinaroroonan sa Sitio Madanding sa Barangay Angkayamat sa Sultan sa Barongis.
Sa ulat ng mga residente ng naturang barangay sa mga opisyal ng 1st Mechanized IB, unang nanghingi ng pagkain sa kanila ang naturang grupo, apat sa kanila may mga benda sa ibat-ibang bahagi ng mga katawan, indikasyon na sila ay may mga sugat, posibleng mga tama ng bala.
Sa ulat kay Nafarrette ni Lt. Col. Robert Betita, commanding officer ng 1st Mechanized IB, nasa kustodiya na nila ang isang M16 assault rifle, isang Ultimax rifle, dalawang M1 Garand rifle, isang .50 caliber bolt-action Barrett sniper rifle, isang B40 rocket launcher, at isang 40 millimeter M79 launcher na iniwan ng mga teroristang nagsitakbuhan palayo ng mapansin na may mga sundalong nagpapatrolya malapit sa kanilang kinaroroonan. (August 19, 2024)