Mg armas ng ‘wanted person’ nasamsam

Nakumpiska ng magkasanib na mga pulis at sundalo ang mga mataas na kalibre ng baril at rocket launcher ng isang wanted sa ibat-ibang mga krimen, si Dauren Manampen, sa isang law-enforcement operation sa Barangay Manaulanan sa bayan ng Tugunan sa probinsya ng Cotabato nitong madaling araw ng Sabado.

Ang Tugunan ay isa sa walong mga bagong tatag na bayan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa Cotabato province sa Region 12.

Hahainan sana ng mga warrant of arrest si Manampen ng mga magkasanib na mga operatiba ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office, pinamumunuan ni Col. Joel Estaris, ng mga pulis mula sa Pikit Municipal Police Station sa Pikit, Cotabato at ng mga tropa ng 90th Infantry Battalion ng Army sa kanyang hideout sa Barangay Manaulanan ngunit nakatakas at doon natagpuan ang kanyang mga naiwang mga armas.

Ang mga armas na naiwan ni Manampen ay kinabibilangan ng isang M16 rifle, isang M14 rifle, isang .50 caliber Barrett rifle, isang 7.62mm bolt-action sniper rifle, isang B40 anti-tank launcher at isang 45 pistol, gagamiting ebidensya sa pagsampa ng panibagong kaso laban sa kanya.

Matagal ng wanted sa ibat-ibang mga kaso si Manampen, kabilang na ang madalas na panggugulo sa Barangay Manaulanan, pangingikil ng pera sa mga residente doon at pagbebenta ng shabu at marijuana. (December 29, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *