
Isang security guard na Maranao sa SM City, isang malaking mall sa Lucena City, kabisera ng Quezon Province, ang umani ng papuri dahil sa nagawang kabutihan nitong Martes, October 1, 2024.
Nakapulot ng isang pitakang may laman na P37,000 si Security Guard Walid Macapodi, na mula sa isang angkan Maranao sa Lanao del Sur, habang on-duty.
Walang ibang tao sa kapaligiran kung saan napulot ni Macapodi ang naturang pitaka, ngunit sa halip na itago at angkinin na lang ang P37,000 cash na laman nito, ay kanya agad na ipinasa ito sa Customer Relations Services ng SM City.
Sa pamamagitan ng public address system ng naturang establisimento, agad namang natunton ang may-ari ng pitaka, si Jervin Marasigan Macapagal, taga Candelaria, Quezon, na tuliro na sa paghahanap nito sa loob ng mall.
Naisauli kay Macapagal ang kanyang pitaka sa pagtutulungan ng management ng SM City at ni Macapodi, na umani ng papuri at paghanga sa mga kasamang security guards at mga kawani ng naturang shopping mall. (October 3, 2024)