Patay ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman habang malubha namang nasugatan ang kanyang misis at anak sa isang ambush nitong umaga ng Miyerkules, October 25, 2023, sa Kapatagan, Lanao del del Sur.
Kinumpirma nitong hapon ng Miyerkules ni Col. Robert Daculan, provincial police director ng Lanao del Sur, ang pagkasawi ni Kamar Bilao Bansil sa naturang insidente na nagdulot ng pagkatakot sa mga residente ng Barangay Sigayan sa Kapatagan.
Ayon kay Daculan, ang napaslang na si Bansil, isang Maranao, ay kandidato sa pagka-barangay chairman ng Sigayan at ang tinuturong namuno sa mga armadong nag-ambush sa kanila ay si Pabil Pagrangan, mister ng reelectionist na chairwoman ng naturang barangay.
Ayon kay Daculan, sakay ng kanilang puting multicab utility vehicle ang mga biktima, patungo sa isang lugar, ng sila ay pagbabarilin gamit ang M16 rifles ni Pagrangan at mga kasama na nakaabang sa gilid ng isang bahagi ng highway sa Barangay Sigayan.
Sugatan sa naturang pananambang ang kabiyak ng nasawing si Bansil na si Jasmin at ang kanilang anak na si Manmo, na agad namang naisugod sa hospital ng mga pulis at mga kasapi ng emergency response team ng Kapatagan local government unit.
Magkatuwang na hinahanap na ng ng mga kasapi ng Kapatagan Municipal Police Station si Pagrangan at mga kasabwat na mabilis na nakatakas matapos nilang tambangan ang mga walang kalaban-labang mga biktima. (October 25, 2023) JOHN UNSON IN COTABATO CITY