Magsasaka at misis patay sa ambush sa South Cotabato

Patay ang isang magsasaka at ang kanyang kabiyak ng pagbabarilin ng mga armadong nakaabang sa kanila sa gilid ng kalye sa Barangay Puti sa Norala, South Cotabato nitong Huwebes.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng Norala Municipal Police Station at ng South Cotabato Provincial Police Office, agad na namatay si Rommel Crisostomo habang sa isang hospital naman pumanaw ang kanyang misis na si Gina Bansil-Crisostomo kung saan siya dinala ng mga barangay emergency responders upang malapatan sana ng lunas.

Sa pahayag ni Randy Gardoce, chairman ng Barangay Puti, sakay ng kanilang tricycle si Crisostomo at kanyang kabiyak, mula sa Purok El Kuda sa naturang barangay kung saan sila nakatira, ng pagbabarilin ng mga lalaking armado ng .45 caliber pistols na nakaabang sa gilid ng kalye at agad na nakatakas.

Wala pang linaw sa mga imbestigador ng pulisya kung sino ang mga salarin at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (Dec.6, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *