
Malubhang nasugatan ang isang ina at kanyang anak na lalaki na biktima ng ambush sa Barangay Napolan sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong gabi ng Miyerkules, December 11, 2024.
Magka-angkas sa motorsiklo ang mga biktima, sina Andre Ceazar Salvador Quilang, 23-anyos, at ang kanyang 51-anyos na ina, si Lelita Salvador Quilang, ng paputukan ng mga armado sa madilim na bahagi ng isang kalye sa Barangay Napolan.
Sa inisyal na ulat ng Pagadian City Police Office nitong umaga ng Huwebes, agad na naisugod ng mga barangay emergency responders ang sugatang mag-ina sa isang hospital at pinaghahanap na ang mga bumaril sa kanila.
Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, nagtutulungan ang mga kamag-anak ng mag-inang biktima ng pamamaril, mga barangay officials, mga intelligence agents at mga imbestigador ng Pagadian City police force sa pagkilala ng mga tumambang sa mag-ina upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (December 12, 2024, handout photo)