Mag-asawa, patay sa ambush

Nakaburol na sa isang punerarya si Rafael Mirandilla at kanyang misis na si Cresencia, biktima ng ambush sa Barangay San Miguel sa Santo Tomas, Davao del Norte, nitong gabi ng Lunes.

Sakay ng kanilang motorsiklo ang mag-asawa ng tambangan ng mga armado sa isang lugar sa naturang barangay. Mabilis na nakatakas ang pumatay sa kanila, ayon sa mga saksi.

Ang mag-asawang napaslang ay mga residente ng Barangay Kinamayan sa Santo Tomas, hindi kalayuan sa kung saan sila tinambangan ng mga armado na nagsanhi sa kanilang agarang kamatayan.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng Santo Tomas Municipal Police Station kung sino ang mga responsable sa pagpatay sa magkabiyak at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (Nov. 28, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *