Madugong Basilan clan war, na-areglo

Tuluyan ng tinapos nitong Lunes, May 13, 2024, ng dalawang mga armadong grupong Yakan sa Akbar, Basilan ang kanilang madugong away bilang tugon sa inisyatibo ng Army at provincial officials na maayos ang kanilang sigalot na naka-apekto sa maraming mga inosenteng pamilya.Pinasalamatan nitong Martes ni Basilan Gov. Hadjiman Hataman Salliman ang 101st Infantry Brigade na pinamumunuan ni Army Brig. Alvin Luzon na siyang nagsikap na ma-areglo ang “rido,” o labanan ng mga angkan, na kinasangkutan ng mga grupo ng Mustapa at Latip na huling nagka-enkwentro nito lang nakalipas na linggo sa Sitio Lessem sa Barangay Upper Bato-Bato sa Akbar.Pitong mga miyembro ng angkan ng Mustapha ang malubhang nasugatan sa naturang palitan ng putok gamit mga assault rifles at M79 grenade launchers. Mismong si Luzon ang nanguna, katuwang ang Basilan governor’s office, ang 18th Infantry Battalion at ang Basilan Provincial Police Office sa pag-areglo ng away ng naturang mga angkan na nag-ugat sa mga samut-saring hindi pagkaka-intindihan, kabilang na ang pulitika, kung saan unang napatay si John Latip ng mga Mustapa na nagpalala sa kanilang galit sa isat-isa.Ayon kay Salliman, maliban sa panunumpa sa harap ng mga Army at local officials sa Basilan na tuldukan na ang kanilang rido, isinuko din ng dalawang panig ang 11 na mga M16 at .30 caliber M1 Garand rifles at M203 rifle na may 40 MM grenade launcher sa isang seremonyang ginanap sa headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Barangay Tabiawan sa Isabela City sa Basilan. (May 14, 2024)