MANILA, Philippines (Pilipino Star Ngayon, August 18, 2024)— Isang lalaki ang idineklarang patay matapos na pukpukin ng malaking tipak ng bato ng isa sa apat lalaking kumuyog sa kanya nang makaaway nito dahil sa pustahan ng larong basketball sa Tanay, Rizal, iniulat nitong Sabado.
Idineklarang dead-on-arrival sa Rizal Provincial Hospital System sa Antipolo City ang biktimang si alyas Ronaldo Tongohan Jr., residente ng Sitio Kay-buli, Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal.
Arestado naman ang mga suspek na kinilalang sa mga alyas na “Randy”, “Charley”, “Bennson” , at “Jerrson”, pawang residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, alas-4:00 ng hapon nitong Huwebes, Agosto 15, nang maganap ang insidente sa Kaybuli Basketball Court sa nasabing Sitio.
Nakitang nagtatalo ang biktima at mga suspek sa basketball court kaugnay sa kanilang pustahan sa laro subalit naawat din sila kalaunan.
Gayunman, pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, biglang dumating ang mga suspek sa basketball court at inabutan pa roon ang biktima. May hawak umanong pamalo na 2×2 na kahoy ang isa, ang isa ay may tubo, habang ang isa pa ay may hawak ng malaking bato at kinorner ang biktima saka agad na hinampas ng bato sa ulo ni alyas Randy. Agad bumagsak sa semento ang biktima at mabilis na nagpulasan patakas ang mga suspek.
Isinugod ang biktima ng kaanak sa Rizal Provincial Hospital System, sa Morong, Rizal, kung saan nilapatan ng lunas at pinauwi na.
Gayunman, kinabukasan, alas-7:00 ng umaga ng Agosto 16, nang gisingin ng ama ang biktima ay hindi na sumasagot kaya ibinalik siya sa nasabing pagamutan.
Pinayuhan naman ng doktor na dalhin na sa Quirino Memorial Hospital, sa Quezon City, ang biktima at habang ibinibiyahe ay na-revived pa umano sa loob ng ambulansya. Dahil sa kritikal na kondisyon ay sa mas malapit na Rizal Provincial Hospital System, sa Antipolo City siya diniretso, na hindi na umabot ng buhay. (SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON, AUGUST 18, 2024, LUDY BERMUDO)