CABANATUAN CITY (Pilipino Star Ngayon, August 15, 2024) — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang suspek sa panghoholdap at pagpatay sa store manager ng 7-eleven, Mabini Homesite branch, matapos madakip nitong August 12 sa Mandaluyong City.
Ayon kay P/Col. Richard Caballero, Nueva Ecija Police provincial director, tatlong araw matapos na isagawa ng suspek ang pagtangay ng pera at pagpatay sa store manager ng nasabing branch ng 7-eleven ay kanilang nadakip ang suspek.
Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang suspek, ngunit kinumpirma nila na isa itong dating empleyado ng nasabing convenience store at may edad na 25-anyos ng Barangay Daang Sarile ng lungsod na ito.
Natiyempuhan umano ang suspek dakong alas-2 ng hapon noong Lunes ng pinagsanib na puwersa ng Cabanatuan City, Mandaluyong at Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO), Eastern Police District (EPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO), sa Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Nabatid na nakikiramay ang buong NEPPO sa pamilyang naulila ng store manager na si Ryan de Goma, 26-anyos, na natagpuang nakahandusay sa loob ng stock room ng gusali at nagtamo ng maraming saksak sa katawan noong Agosto 9.
Aabot sa P320,984 ang pera na natangay ng suspek sa nasabing store. Matapos ito ay pinagsisira at sinunog pa umano ng suspek ang computer devices na nasa loob ng stock room at agad na tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa side access door.
Dati na rin umanong naaresto ang suspek sa kasong drug trafficking noong Disyembre 21, 2021 at nasangkot din sa online gambling at lubog umano sa utang.
(SOURCE: Pilipino Star Ngayon, August 15, 2024, Christian Ryan Sta. Ana)