
Patay on the spot sa mga tama ng bala ang isang miyembro ng Bureau of Fire Protection na binaril ng ilang beses sa tapat ng fire station sa bayan ng Katipunan sa Zamboanga del Norte nitong tanghali ng Lunes, October 14, 2024.
Sa hiwalay na mga ulat nitong Martes ng Katipunan Municipal Police Station at ng Zamboanga del Norte Provincial Police Office, on-duty si Fireman Ronie Baculad sa kanilang fire station sa Barangay Uno sa naturang bayan ng lapitan ng mga armadong sakay ng motorsiklo at agad na binaril ng halinhinan na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nagtutulungan ang mga Barangay Uno officials, ang local government unit ng Katipunan at ang pulisya sa pagkilala sa mga pumatay kay Baculad na mabilis nakatakas sakay ng motorsiklong walang plaka.
Kinondena nitong Martes ng mga Barangay Uno officials ang pagpatay kay Baculad kasabay ng pagtiyak ng kanilang suporta sa imbestigasyon ng pulisya sa naturang madugong insidente. (Oct. 15, 2024)