
Mahigit 20 na na mga lola at lola sa probinsya ng Cotabato sa Region 12 ang nabigyan ng mga pustiso, nagkakahalaga ng P15,000 bawat pares, kaugnay ng Balik Ngiti Program ng tanggapan ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza.
Ang pinakahuling pamimigay ng mga pustiso sa 10 na mga benepisyaryong lolo at lola ng Cotabato provincial government ay isinagawa sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pikit nito lang Huwebes, September 5, 2024.
Pinangunahan ng oral health program coordinator ng tanggapan ni Gov. Mendoza, si Doctor Divinagracia Alimbuyao, ang pamamahagi ng mga bagong gawang mga pustiso para sa 10 na mga benepisyaryong senior citizens na taga Pikit, isa sa 17 na mga bayan na sakop ng probinsya.
Ang pamamahagi ng tanggapan ni Gov. Mendoza ng mga pustiso para sa mga senior citizens sa Pikit ay kasunod ng katulad din na aktibidad sa bayan ng Banisilan sa Cotabato province ilang araw pa lang ang nakakalipas.
Ayon kay Gov. Mendoza, na siyang chairperson ng Regional Development Council 12, ang kanilang Balik Ngiti Program para sa mga senior citizens sa Cotabato province ay naglalayong maparamdam sa kanilang sektor na sila ay hindi kinakalimutan ng kanyang administrasyon. (September 7, 2024)