
Magkatuwang na nagtanim ng mga punongkahoy sa isang bahagi ng Dimapatoy watershed sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang mga miyembro sa Cotabato City ng transnational Junior Chamber International (JCI) at mga kasapi ng 5th Marine Battalion nitong Linggo, September 22, 2024.
Ang lugar na kanilang pinagtamnan ng mga forest tree seedlings mula sa Ministry of Environment, Natural Resources and Energy-Bangsamoro Autonomous Region ay hindi kalayuan sa Dimapatoy River kung saan may pumping facility and Cotabato City Water District na siyang nagsu-supply ng tubig sa ilang Barangay sa Datu Odin Sinsuat, sa Camp Siongco kung saan naroon ang headquarters ng 6th Infantry Division, at sa Cotabato City.
Ang naturang tree planting activity ng JCI Cotabato City Chapter ay kaugnay ng Think Green program ng JCI Philippines na naglalayong makahikayat ng suporta ng mga lokal na komunidad sa mga environment-protection activities, kabilang na ang pagtatanim ng mga puno sa mga watershed areas at mga kabundukang kalbo na upang mapanatili ang kaayusan ng mga sources ng tubig sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Sa isang press statement nitong Lunes, September 23, 2024, pinasalamatan ng mga kasapi ng JCI Cotabato City Chapter si 5th Marine Battalion commanding officer Lt. Mark Lester Baky sa kanilang suporta sa naturang tree planting activity.
Ang JCI ay isang international service-oriented na grupong itinatag noong 1944 na kinikilala ng Council of Europe at ng mga ahensiya ng United Nations. (September 23, 2024)