Sanhi ng madugong Zamboanga firecrackers disposal, iniimbistigahan

Inaalam na ng pulisya kung may dapat bang managot sa pinaniniwalaang maling pagdispatsa nitong Lunes ng mga paputok at pyrotechnics sa isang barangay sa Zamboanga City na nauwi sa aksidenteng pagsabog na nakasugat ng 30 katao.

Tiniyak ni Zamboanga City Mayor John Dalipe nitong Martes ang ayuda ng kanyang tanggapan para sa mga biktima ng pagsabog, kabilang sa kanila ang anim na police bomb experts, tatlong kasapi ng Philippine Coast Guard, limang taga Bureau of Fire Protection at limang mga sundalong Marines.

Sa hiwalay na pahayag ni Dalipe at Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, ang 19 na sugatang mga kasapi ng uniformed units ng pamahalaan ang siyang magsasagawa sana ng tamang disposal ng mga paputok at pyrotechnics sa isang firing range ng mga Marines sa Barangay Cabatangan, isang mataas na lugar sa Zamboanga City.

Ayon sa mga local officials at barangay leaders sa Cabatangan, posible sanang walang aksidenteng malakas na pagsabog na naganap kung sinunog ang naturang mga paputok paunti-unti hanggang maubos.

May mga ulat na minadali diumano ng disposal team ang pagsira sa naturang mga paputok at pyrotechnics kaya naganap ang pagsabog na narinig sa malalayong barangay at nagsanhi din ng pagkabasag ng mga glass doors at glass panels ng mga bahay at malalaking gusali sa Barangay Cabatangan at karatig na mga lugar. (July 9, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *