Malaking bilang ng mga pamilyang Moro na umaasa sa pagsasaka para sa kanilang ikakabuhay ang apektado ng pagbaha mula pa nitong Martes, October 16, 2024, sanhi ng paulit-ulit na ulan sa kapaligiran at sa mga kabundukan sa mga probinsya sa Central Mindanao.
Kabilang sa mga lugar na binaha ang ilang mga barangay sa Pagalungan at Montawal sa northern area ng Maguindanao del Sur at sa Mamasapano sa bandang timog naman ng probinsya.
Sa mga inisyal na ulat ng Office of Civil Defense-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Mamasapano Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, halos dalawang libong pamilya na ang apektado ng pagbaha sa ilang barangay sa naturang bayan.
Ang Mamasapano ay hindi kalayuan sa Ligawasan Marsh, isang 220,000-ektaryang catch basin, o bagsakan ng mga tubig mula sa malalaking ilog sa mga kabundukan sa mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, South Cotabato at Bukidnon.
Ang mga barangay sa Mamasapano na pinaka-apektado ng baha ay ang Tuka, Libutan, Dabenayan, Bagumbong, Liab, Pidsandawan, Pimbalakan at Sapakan na may mga malalawak na mga palayan na ngayon ay lubog sa tubig. (October 18, 2024, handout Facebook image)