Honest tricycle drivers, nagka-P10K reward bawat isa

Tumanggap nitong Huwebes, October 10, 2024, ng tig P10,000 na cash incentives bawat isa mula sa tanggapan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ang 26 na mga tapat na tricycle drivers sa bayan ng Kabacan dahil sa kanilang ginawang agarang pagsauli sa mga may-ari ng mga bags, pera, mga alahas at mga mahahalagang dokumentong naiwan ng mga pasahero sa kanilang mga tricycle nitong nakalipas na ilang mga buwan.

Magkatuwang na ipinamahagi nila Cotabato 3rd District Congresswoman Samantha Santos, ni Kabacan Mayor Evangeline Guzman at Francisco Garcia na presidente ng University of Southern Mindanao ang tig P10,000 cash sa 26 na mga tricycle drivers na mula pondo ng tanggapan ni Gov. Mendoza.

Si Gov. Mendoza ay mas kilala sa buong probinsya sa kanyang palayaw na Lala, o bilang si Governor Lala.

Sa kanilang mga pahayag sa naturang simpleng seremonyang isinagawa sa campus ng University of Southern Mindanao sa Kabacan, pinapurihan nila Congresswoman Santos, Mayor Guzman at University President Garcia ang mga tapat na 26 tricycle drivers na ayon sa kanila ay dapat pamarisan ang mga nagawang ehemplo ng pagiging tapat, hindi nagka-interes na angkinin ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kani-kanilang mga tricycles ng mga pasahero. (October 12, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *