Ex-barangay chairman, kamag-anak, patay sa Sulu ambush

Patay sa mga tama ng bala ang isang dating barangay chairman at kanyang kamag-anak ng tambangan ng mga armado sa Barangay Kajatian sa Indanan, Sulu nitong Linggo, December 22, 2024.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng mga opisyal ng Sulu Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkaangkas sa motorsiklo sina Fadjiri Abdirajan Biao, 27-anyos, at ang 61-anyos na si Faizal Ibrahim Biao ng paputukan ng M16 assault rifles sa isang liblib na bahagi ng highway sa Barangay Kajatian sa Indanan.

Dating chairman ng Barangay Kandaga sa Talipao, Sulu ang napaslang na nakakantandang Biao. Ang bayan ng Indanan, kung saan sila na-ambush, ay hindi kalayuan sa Jolo na kabisera ng Sulu.

Sa ulat ng Indanan Municipal Police Station, mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa dalawa sakay ng isang Sports Utility Vehicle.

Ayon kay Macapaz, nagtutulungan ang mga imbestigador ng Indanan police at mga local officials sa probinsya sa pagkilala sa mga responsable sa naturang krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (Dec. 23, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *