Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P1.5 million na halaga ng mga sigarilyong mula sa Indonesia sa hiwalay na anti-smuggling operations sa Sulu at Tawi-Tawi sa loob lang dalawang araw.
Sa pahayag nitong Lunes, July 15, 2024, ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang nasamsam nitong Biyernes ng mga pulis, sa tulong ng mga impormante, ang abot sa P1.2 million na halaga ng mga imported na sigarilyong nakaimbak sa isang maliit na warehouse sa Barangay Lamion sa Bongao, ang kabisera ng Tawi-Tawi.
Naikasa ang naturang anti-smuggling raid batay sa mga ulat ng mga residente ng Barangay Lamion na may alam hinggil sa naturang mga sigarilyong imported na nakaimbak sa isang warehouse na malapit sa kanilang mga tahanan.
Nasabat naman nitong Sabado ng mga pulis ang P399,000 na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia na kakahatid lang ng mga smugglers sa Barangay Tandu Bagua sa Patikul, Sulu upang sasalubugin sana ng kanilang mga contacts na nagtakbuhan ng mapunang may mga nagpapatrolyang mga pulis na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Sa ulat ng Sulu Provincial Police Office kay Tanggawohn, nakatakda na sanang ihahatid ang naturang mga sigarilyong imported sa ibat-ibang mga tindahan sa Patikul ng masabat at nakumpiska ng mga kasapi ng Patikul Municipal Police Station. (July 15, 2024)