Isang mula sa malayong lungsod na dealer ang nakunan ng P800,000 na halaga ng shabu sa isang police entrapment operation sa Kidapawan City nitong gabi ng Biyernes, August 16, 2024.
Sa ulat nitong Linggo ni Brig. Gen. James Gulmatico, bagong talagang director ng Police Regional Office-12, hindi na pumalag ang 46-anyos na suspect na si Johnny Bustamante Villanueva ng arestuhin ng mga hindi unipormadong mga operatiba ng mga unit ng PRO-12 matapos silang bentahan ng 115 gramo ng shabu sa isang entrapment operation sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato.
Residente ng Barangay Poblacion sa Digos City, Davao del Sur si Villanueva, ayon kay Gulmatico.
Magkatuwang na naikasa ng mga kasapi ng Regional Drug Enforcement Unit ng PRO-12 sa Cotabato province, pinamumunuan ni Police Captain Ernie John Saratao, at mga opisyal ng Kidapawan City Police Office ang naturang entrapment batay sa mga ulat ng mga kakilala ni Villanueva hinggil sa kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa ilang mga contacts sa Kidapawan City at ilang mga bayan sa probinsya.
Ayon kay Gulmatico, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Villanueva, ngayon nakakulong na sa isang police detention facility sa Kidapawan City. (August 18, 2024)