Ilang mga maliliit na tindahan sa Barangay Poblacion sa Tampakan, South Cotabato na tanging inaasahan ng mga may-ari para sa ikakabuhay ng kanilang mga pamilya, ang tumanggap ng ayudang nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa mula sa Sagittarius Mines Incorporated bilang suporta sa kanilang naging kawalan dulot ng Covid 19 pandemic at tagtuyot nitong nakalipas na ilang buwah sanhi ng El-Nino phenomenon.
Mismong si Tampakan Barangay Poblacion Chairman Jose Nilo Vargas ang nagkumpirma nitong Sabado sa mga reporters ng pamamahagi ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, nito lang Huwebes, June 6, 2024, ng naturang ayuda sa mga may-ari ng tindahan sa mga mga lugar na sakop niya.
Ang bayan ng Tampakan, hindi kalayuan sa Koronadal City na kabisera ng South Cotabato province, ang host municipality para sa Tampakan Copper-Gold Project na isasagawa ng SMI, magsisimula sa taong 2025, batay sa pahintulot ng Malacañang, ng Department of Environment and Natural Resources, ng Blaan tribal councils sa naturang bayan at ng National Commission on Indigenous Peoples.
Pinasalamatan nitong Sabado ni Vargas at iba pang local officials ng Tampakan at ng nurse na si Rolly Aquino, na siyang namamahala ng South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang management ng SMI sa inisyatibo nitong mabuhay muli ang mga sari-sari stores sa Barangay Poblacion ng naturang bayan na lumiit ang mga kita dahil sa Covid 19 pandemic at El-Niño phenomenon. (June 8, 2024)