MANILA, Philippines (PILIPINO STAR NGAYON, JUNE 25, 2024) — Arestado ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na dumayo at mahuli sa ikinasang buy-bust operation ng mga kabaro at makuhanan ng mahigit 1.3 milyong pisong halaga ng shabu sa Libmanan, Camarines Sur, kahapon ng madaling araw.
Nasa kustodya na ng Libmanan Police Station ang suspek na kinilalang si PCpl. Antonio Lagatic Salamanque, 53, tubong Iriga City, Camarines Sur, residente ng Brgy. Gulod, Quezon City at nakatalaga sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Sa kabila umano na 22-taon na bilang pulis, nananatiling corporal ang ranggo ni Salamanque dahil na rin sa ilang beses na umanong na-demote bunsod sa iba’t ibang kasong kinasangkutan sa serbisyo.
Sa ulat, dakong alas-2:51 ng madaling araw sa tulong ng Special Operations Unit 5, Regional Police Drug Enforcement Unit 5, Provincial Intelligence Unit at Libmanan Police ay magkatuwang na inilatag ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group at PNP-Drug Enforcement Group sa pangunguna ni Lt. Ronwaldo Cariño sa supervision ni Lt. Col. Owen Banaag ang buy-bust operation laban kay Cpl. Salamanque sa Brgy. Sibujo, Libmanan, Camarines Sur.
Mabilis na inaresto ang suspek matapos iabot umano nito sa poseur buyer ang biniling droga.
Nakuha sa suspek ang walong plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 200-gramo at nagkakahalaga ng P1.36 milyon, isang Taurus Caliber 40 na side firearm, isang M16 armalite rifle, mga bala at magazine ng naturang mga baril, at boodle money na ginamit sa buy-bust.
Kumpiskado rin ang sasakyang ginamit nito sa iligal na transaksyon. (SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON JORGE HALLARE & DORIS FRANCHE BORJA, JUNE 25, 2024)