Tanging ang Bangsamoro government at ang pulisya lang magpapatupad ng traffic rules sa autonomous region, walang naitalagang deputies na maaring magsagawa nito.
Ito ang pahayag nitong Sabado, July 27, 2024, ni Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago at mga opisyal ng Bangsamoro Land Transportation Office, o BLTO, upang ipaalam sa publiko na wala silang anumang grupo, katulad ng mga volunteer organizations, o mga indibidwal, na binigyan ng deputation order upang magpatupad ng functions ng mga ahensiya ng Ministry of Transportation and Communications.
Ayon kay Minister Tago at mga opisyal ng BLTO, bukas ang kanilang mga tanggapan sa sino mang nais makakuha ng impormasyon hinggil sa naturang pahayag na naglalayung maging malinaw sa lahat ng mga may mga sasakyan sa Bangsamoro region na tanging mga kawani lang ng mga ahensiya ng MoTC-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang mga unit ng Philippine National Police sa BARMM ang may ganoong katungkulan.
“Itong aming pahayag ay upang maging malinaw sa lahat ang aming polisiya hinggil sa issue na ito at upang mabigyan ng kaliwanagan ang ano mang misinformation hinggil dito,” pahayag ni Minister Tago.
Ayon sa accountant-lawyer na si Minister Tago, magsasagawa sila ng agarang legal action sa sino mang magpapanggap na mga law-enforcement deputies ng BLTO o ano mang ahensiya ng MoTC-BARMM. (July 27, 2024)