Mas pinalawak ng Cotabato provincial government ang Community-Based Rehabilitation Program nito para sa mga persons with disabilities, o PWDs, sa lahat ng 17 na mga bayan sakop nito pati na sa Kidapawan City na kabisera ng probinsya.
Sa pahayag nitong Linggo, June 9, 2024, ni Cotabato Gov. Emmylou Mendoza, tinalakay ng mga coordinators ng kanilang CBR Program for PWDs sa kanilang June 4-7 workshop, dinaluhan ng mga barangay health workers, midwives at mga nurses, ang pagpapalawig ng kanilang mga programang naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga residente ng probinsya na may mga kapansanan.
Tinalakay sa naturang workshop ang pagpapalawak pa ng ugnayan ng mga PWDs sa kani-kanilang mga local government units at sa tanggapan ni Mendoza, na siyang chairperson ng Regional Development Council 12, upang mas mapadali ang pag-paabot sa kanila ng tulong upang hindi mahirapan sa kanilang mga kalagayan at upang maging produktibo sa mga paraang kaya nila.
Ayon kay Mendoza ang kanilang CBR Program for PWDs ay may mga inisyatibo din na maprotektahan ang karapatan ng mga may kapansanan na mga Muslim, mga Kristiyano at mga indigenous people sa probinsya.
Kabilang sa tinalakay sa workshop nitong nakalipas na linggo ng mga coordinators ng CBR Program for PWDs ng tanggapan ni Mendoza ang ang tamang pagtuturo sa mga may kapansanan kung paano mapapagaan ng mga mobility support devices ang kanilang kalagayan. (June 9, 2024)