MANILA, Philippines (Pilipino Star Ngayon, August 1, 2024) — Dinukot ng hindi bababa sa tatlong lalaki ang isang babae at live-in partner nito at isinakay sa isang van na walang plaka, habang natagpuan ng awtoridad ang abadonadong sasakyan ng mga biktima sa Ortigas Avenue Extension, sa Cainta, Rizal, madaling araw ng Lunes.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Mary Grace Frondozo, 29 anyos; at live-in partner na si Ronnie Ignacio, 33 anyos, kapwa residente ng Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, alas-12:30 ng gabi ng Hulyo 29, 2024 nang i-report ng isang Ernesto Fronsozo, 65-anyos, ang pagkawala ng anak at ng live-in partner ng huli.
Bago ang insidente, alas-11:30 ng umaga, isang concerned citizen ang nag-report sa pulisya, hinggil sa isang Nissan Juke SUV na kulay pearl white na iniwan sa harap ng isang convenience store sa tapat ng Rublou Business Center sa Ortigas Avenue, sakop ng Barangay Sto. Domingo, Cainta.
Upang matukoy ang owner ng sasakyan ay inihanda ng pulisya ang request para sa vehicle verification sa Land Transportation Office (LTO), nang dumating ang ama ng biktima para ipa-blotter ang pagkawala ng anak at ng live-partner.
Isinalaysay niya na bandang alas-4:00 ng madaling araw ng Hul¬yo 29 nang mag-chat sa messenger ang anak na pauwi na sila sa bahay nito at nagtanong pa kung ano ang gustong dalhin sa kaniyang pagkain para sa almusal.
Hindi na nasundan pa ng chat o tawag mula sa anak at nainip na ang ama kaya tinawagan subalit naka-off na umano ang cellphone ng anak at maging ang live-in partner nito.
Base sa nakalap na CCTV footages, nadiskubre na hindi bababa sa tatlong lalaki ang dumukot sa dalawang biktima alas-4:20 ng madaling araw. Isinakay sila sa Mitsubishi L300 FB Body na walang plate number. (SOURCE: Pilipino Star Ngayon, August 1, 2024, Ludy Bermudo)