
Arestado ang isang babaeng drug den operator at kanyang tatlong kasabwat sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Huwebes, November 28, 2024.
Sa ulat nitong Biyernes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nasa kustodiya na nila ang drug den operator na si Baiwata Amirol Ala at kanyang mga kasama na sina Jackson Escoral Mandi, Jeffrey Ala Abdullah at Jehad Ala, kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Agad na inaresto ng mga operatiba ng PDEA-BARMM at mga kasapi ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang apat matapos silang makabili sa kanila ng 25 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P170,000, sa isang entrapment operation mismo sa kanilang drug den sa Sitio Broce, Zone 4 sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, hindi kalayuan sa Cotabato City.
Agad na isinara ng mga agents ng PDEA-BARMM at mga pulis ang kanilang drug den na ayon kay Castro ay dinadayo ng mga parukyanong residente ng ibat-ibang mga lugar sa kapaligiran ng Barangay Tamontaka. (Nov. 29, 2024)