Tumanggap nito lang nakalipas na linggo ang mga local government units ng Pagalungan at Montawal sa Maguindanao del Sur ng mga portable water purifiers na maaring magamit sa pag-proseso ng malinis na tubig inumin ng mga residenteng apektado ng malawakang pagbaha sa naturang dalawang mga bayan.
Mismong si Ameer Jehad Ambolodto, tagapamahala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang siyang naghatid ng naturang water purifier devices sa Pagalungan at Montawal na ayuda mula sa tanggapan ni Maguindanao del Sur Gov. Mariam Sangki Mangudadatu.
Daan-daang mga pamilya sa dalawang nabanggit na mga bayan ang apektado ng malawakang pagbaha nitong nakalipas na linggo sanhi ng malakas, paulit-ulit na ulan sa kapaligiran dulot ng sama ng panahon. (July 22, 2024, Contributed Report)