
Dalawang mga manggagawa ang namatay sanhi ng suffocation sa loob ng isang underground petroleum storage tank sa Barangay Curuan sa Zamboanga City na kanila sanang lilinisin bago tatakpan ng semento nitong umaga ng Miyerkules, August 21, 2024.
Kinumpirma ng Zamboanga City local government unit at ng mga opisyal ng Police Regional Office-9 ang pagkasawi nila Joel Dungog, 34-anyos, at ang 30-anyos na si Jomar Cagit sa naturang insidente.
Unang nahulog sa loob, matapos buksan ang isang isang masikip na entrance contraption ng fuel storage ng Phoenix Station sa Barangay Curuan ang 23-anyos na manggagawang si Jonas Calderon na agad namang binabaan sa loob nito nila Dungog at Cagit at inalalayang makaakyat palabas bago sila isa-isang nawalan ng malay sanhi na kanilang pagkalanghap ng gas fumes.
Parehong wala ng buhay sina Dungog at Cagit ng maiahon ng mga kawani ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office mula sa loob ng naturang fuel storage tank na nakalibing sa lupa.
Nanawagan ang mga barangay officials sa Curuan kay Zamboanga City Mayor John Dalipe at sa mga opisyal ng Department of Labor and Employment na naka-base sa naturang lungsod na pagbayarin ng danyos ang may-ari ng Phoenix Station sa mga pamilya ng dalawang nasawi sa insidente. (August 21, 2024)