Dalagitang estudyante, natusta sa sunog

Isang 13-anyos na dalagita ang nasawi sa sunog na sumiklab sa bahay na tinitirahan ng dalawang pamilya sa Purok 2, Brgy. San Carlos, Lipa City, Batangas, kamakalawa ng madaling araw.

Sa ulat ng Lipa City police, alas-2:45 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa bahay ng biktimang kinilalang si Meagan Aicel May Gabuna, elementary student.

Ayon sa kasama nito sa bahay na si Jersey Ortega, nagising na lamang siya sa amoy ng nasusunog na bagay at sa makapal na usok sa loob ng kanilang kuwarto.

Kaagad na ginising nito ang mga kasamang nakatira at tumakbo papalabas, subalit nalimutan umano na gisingin ang biktima na natutulog sa kabilang kuwarto.

Mabilis ding nagresponde ang mga tauhan ng Lipa City BFP at naapula ang sunog ganap na alas-3:40 ng madaling araw.

Nang isagawa ang mopping operation ay nakita ang sunog na bangkay ng biktima sa kanyang kuwarto.

Napag-alaman din na nagsimula ang sunog sa kandilang ginagamit na ilaw sa kuwarto ng nasawing biktima.

SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON, AUGUST 23, 2024, ED AMOROSO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *