
Patay sa ambush nitong Sabado ang isang barangay kagawad sa Kabacan, Cotabato na aktibo sa mga programang nagsusulong ng religious at cultural solidarity ng Muslim at mga Kristiyano sa probinsya.
Kinondena nitong Lunes ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua Guzman at ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang pagpatay kay Ernesto Bigsang, Sr., kagawad ng Barangay Cuyapon sa naturang bayan, kasabay ng kanilang pag-alok ng cash incentive sa sino mang makakatulong sa pulisya na kilalanin ang mga pumatay sa kanya.
Ayon sa mga kasapi ng multi-sector Kabacan Municipal Peace and Order Council, kilala si Bigsang na walang mga kalaban at popular sa kanilang bayan sa kanyang malawak na partisipasyon sa mga peacebuilding programs ng kanilang local government unit.
Ayon kay Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, sakay ng kanyang mountain bike si Bigsang, patungo sana sa kanyang sakahan sa isang lugar sa Barangay Cuyapon ng tambangan ng dalawang armadong mga lalaking mabilis na nakakatakas gamit ang isang motorsiklo.
Ayon kay Gulmatico, inatasan na ni Mendoza, chairperson ng Cotabato Provincial Peace and Order Council, ang municipal officials ng Kabacan na tumulong sa mga imbestigador ng pulisya sa pagresolba sa pagpatay kay Bagsing. (November 11, 2024) Handout Photo