MANILA (Remate Online, October 23, 2024) – Arestado ang isang Chinese national dahil sa umano’y pagdukot sa pitong dayuhan sa Pasay City, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Miyerkules.
Sa isang ulat, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Sidney Hernia na ang suspek na si Zhao Xing ay naaresto habang pitong Vietnamese national ang nasagip sa isang anti-human trafficking operation sa Barangay 86 noong Martes.
Nag-ugat ang rescue operation sa ulat ng isang concerned citizen na ilang Vietnamese na kababaihan ang pinagsamantalahan para sa prostitusyon ng suspek, na pangunahing nagtutustos sa Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamo para sa paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, na nagpaparusa sa human trafficking, lalo na sa kinasasangkutan ng kababaihan at mga bata.
Kinilala ni Hernia ang matagumpay na pagtutulungan ng NCRPO at partner agencies sa pagsagip sa mga biktima at pagdakip sa suspek.
Aniya, ang operasyon ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng NCRPO na labanan ang human trafficking at protektahan ang mga mahihina.
SOURCE: Remate Online, October 23, 2024