BARMM pinuri CAAP offices sa maayos na byahe ng mga nag-hajj

Pinarangalan ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga tanggapan ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga paliparan sa lungsod ng Zamboanga, General Santos, Davao at Cagayan de Oro sa maayos na pangangalaga ng mga Muslim na nag Hajj sa Saudi Arabia bago lamang at dumaan sa naturang mga airports pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Iniulat nitong Sabado, July 6, 2024, ni Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago na nagpasalamat din ang MoTC-BARMM at si Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim sa mga mga kawani ng CAAP sa pagsuporta sa “Oplan Byaheng Ayos: Hajj Sundo 2024” ng regional government na nakatuon sa kaayusan ng byahe sa pag-uwi ng mga Muslim sa Bangsamoro region mula sa kanilang pag-hajj sa Makkah, Saudi Arabia.

Ayon kay Tago, ganun din ang naging suporta ng mga kawani ng CAAP sa naturang apat na mga airports sa pagtiyak ng kaayusan sa paglisan ng mga nag-hajj mula Mindanao patungong Manila bago umalis papuntang Saudi Arabia.

Mga opisyal at mga kawani ng Civil Aeronautics Board of the Bangsamoro-BARMM ang siyang naggawad kamakalawa, ayon sa direktiba ng MoTC-BARMM, ng mga parangal sa mga tanggapan ng CAAP sa mga paliparan sa mga lungsod ng Zamboanga, General Santos, Davao at Cagayan de Oro. (July 6, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *