Naghain ng resolusyon ang mga mambabatas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kahapon, Oktubre 17 na humihimok sa Committee on Local Government (CLG) ng Bangsamoro Parliament na magsagawa ng “inquiry in aid of legislation” kaugnay sa mass termination ng contract of service employees ng Cotabato City Government.
Ang BTA Resolution No. 646 ay inihain nina Members of Parliament Atty. Suharto M. Ambolodto, Baintan Ampatuan, Susana Anayatin at Eddie Alih kasunod ng pag-anunsyo ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na may tinatayang 3,000 contract of service employees ng city government ang mawawalan ng trabaho simula Oktubre 17, 2024.
Ayon kay MP Teng Ambolodto, ang nasabing panukala ay naglalayong mabatid ang kadahilanan kung bakit humantong sa mass termination ang nasa 3,000 contract of service employees ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato.
Kailangan umanong malaman ang punu’t-dulo ng suliranin at bumuo ng mga hakbang upang ito ay masolusyunan at hindi na maulit pa, ayon kay MP Ambolodto. (October 18, 2024, this news report is from office of BARMM parliament member Attorney Suharto M. Ambolodto)