BARMM gagayahin Malaysian-style serbisyo publiko

Kasalukuyang pinag-aaralan na ng mga opisyal ng Bangsamoro transportation and communications ministry ang posibleng pagpapatupad sa autonomous region ng mga public service at governance policies ng Malaysia, kilala sa Mindanao na pinakamainam sa buong Southeast Asia.

Nagtungo sa Malaysia nito lang nakalipas na linggo ang mga opisyal ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region, sa pangunguna ni MoTC-BARMM Minister Paisalin Pangandaman Tago, upang pag-aralan ang mga public service programs ng Malaysian government at mga pamamaraan nito ng pagpapanatili ng religious at cultural solidarity ng mga komunidad na sakop nito.

Sa pahayag nitong Martes ni Tago, na isang accountant-lawyer, maaring gayahin ng BARMM government ang mga programang serbisyo publiko ng Malaysian government dahil may sariling parliamento ang Bangsamoro region na siyang gagawa ng paraan upang maipatupad ng mga kahalintulad na pamamaraan ng pagseserbisyo publiko ng mga kinauukulan sa naturang bansa.

Ayon kay Tago, na kasama si Deputy MoTC-BARMM Minister Muhammad Ameen Abbas at ilang agency directors ng kanilang ministry sa kanilang study tour sa Malaysia, kahanga-hanga din ang pamamalakad ng Malaysian government ng mga seaports at airports na sakop nito.

Ayon kay Tago, marami din silang natutunan sa pamamalakad ng Malaysian government ng mga socio-economic, public order and safety, transportation and communications services nito sa kanilang mga hiwalay na dayalogo, habang nasa Malaysia, sa mga opisyal ng International Institute of Advanced Islamic Studies nito, ng Malaysian Ministry of Transportation at ng Tabung Haji na tumutulong sa pamamahala ng taunang Islamic pilgrimage ng mga Malaysians sa Makkah, Saudi Arabia. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *