Namigay ng ayuda kamakalawa sa mga binaha sa dalawang Bangsamoro barangays — ang Kadigasan at Damatulan — sa bayan ng Midsayap sa probinsya ng Cotabato and mga kawani ng ibat-ibang ahensya ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mismong si BARMM Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago ang personal na namahala ng naturang relief operations, katuwang ang mga opisyales ng mga ahensyang sakop ng kanyang tanggapan — ang Bangsamoro Airport Authority, Civil Aeronautics Board of the Bangsamoro, Bangsamoro Land Transportation Office, Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Bangsamoro Ports Management Authority, Bangsamoro Maritime Industry Authority at ang Bangsamoro Telecommunications Commission.
Ayon kay Minister Tago, ang naturang humanitarian mission ay suporta nila sa mga relief operations na isinasagawa ng mga health at social services ministries ng BARMM batay sa kautusan ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.
Namigay sina Minister Tago at mga kawani ng pitong mga ahensya na sakop ng kanyang tanggapan ng hygiene kits, distilled water, mga de-latang pagkain, mga balde at iba pang mga mga relief supplies sa daan-daang residente ng Kadigasan at Damutalan na binaha sanhi ng malakas at paulit-ulit na ulan sa kapaligiran. (July 19, 2024)