Lumagda sa isang kasunduan ang limang mga namumuno Bangsamoro Grand Coalition (BGC) na magtulungan upang maging mapayapa at malinis ang kaunaunahang parliamentary elections sa autonomous region sa susunod na taon.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Huwebes, July 25, 2024, ang naturang kasunduan ay nilagdaan nitong Martes ni Basilan Congressman Mujiv Hataman, Sulu Gov. Abdusakur Tan, Sr., Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. at ni Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu at kanyang kabiyak, si Suharto Mangudadatu, dating governor ng Sultan Kudarat at kaka-bitaw lang bilang executive director ng Technical Education Skills and Development Authority.
Ang BGC ay kanilang binuo bilang paunang preparasyon sa 2025 parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung saan magtatalaga sila ng mga kandidato para sa 80 na mga puwesto sa BARMM parliament.
Sa kanilang kasunduan, nagkaisa din sina Hataman, Tan, Adiong at ang magkabiyak na Mangudadatu na matulungan sa pagsulong ng inclusivity, o partisipasyon ng mga Muslim, mga Kristiyano at mga indigenous non-Moro communities sa pamamalakad ng BARMM regional government.
Bagama’t may kanya-kanyang silang mga regional political parties, nagkaisa silang lima na magsama na sa BGC na naglalayon din na ma-resolba ang kahirapan at underdevelopment ng ilang mga lugar sa mga probinsyang sakop ng BARMM, ang Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. (July 25, 2024)