Bangkay ng 2 sa 6 na batang Moro tinangay ng baha, natagpuan na

Natagpuan nitong Huwebes ang mga bangkay ng dalawa sa anim na mga batang tinangay ng baha na tumama sa mga barangay sa hangganan ng mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Lanao del Sur nitong gabi ng Martes, sumira ng 400 na mga bahay at nakaapekto ng mahigit 10,000 na mga residente.

Sa mga hiwalay na ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng local government unit ng Matanog sa Maguindanao del Norte, agad na hinatid ng mga rescuers na mga kasapi ng Bureau of Fire Protection, ng mga unit ng PRO-BAR at ng 1st Marine Brigade sa kanilang pamilya ang bangkay nila Norhaina Butil, 11-anyos, at ng kanyang tatlong-taong-gulang na kapatid na si Norhaine, natagpuan sa mga hiwalay na mga lugar sa Barangay Campo Uno sa Matanog.

Hinahanap pa ng mga rescue teams ang kanilang pitong-taong-gulang na kapatid na si Razul at dalawa pang mga bata, isa sa kanila special child, mula sa isang pamilya sa karatig na barangay sa naturan ding bayan, tinangay din ng baha kasunod ng malakas, paulit-ulit na ulan sa mga kabundukan sa kapaligiran.

Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng PRO-BAR, may hinahanap pang dalawang grade school pupils, ang magkapatid na sina, Sheila at Ela Abdullah, na tinangay din ng rumaragasang baha na tumama at sumira sa kanilang bahay sa Barangay Molimok sa Balabagan, Lanao del Sur na ilang kilometro lang ang layo mula sa Matanog.

Ayon sa ibat-ibang mga ahensya ng Bangsamoro government, mahigit 400 na mga bahay sa Matanog at sa mga hindi kalayuang mga bayan ng Kapatagan, Balabagan at Malabang sa Lanao del Sur ang sinira ng baha nitong gabi ng Martes na nakaapekto ng mahigit 10,000 na katao, ngayon inaalalayan na tanggapan ni Bangsamoro Social Welfare Minister Raissa Jadjurie na personal na namamahala ng pamimigay ng relief supplies sa kanila. (July 12, 2024, JOHN UNSON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *