Pormal na humiling nitong Lunes ng permiso sa Commission on Elections ang Bangsamoro Party ng Moro National Liberation Front (MNLF) na makalahok sa pinakaunang Bangsamoro parliamentary elections sa susunod na taon.
Naghain ng petisyon sa tanggapan ng Comelec sa Cotabato City na makalahok sa 2025 elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga opisyales ng Bangsamoro Party, mas kilala bilang BAPA party, sa pangunguna ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, na siya ring chairman ng MNLF central committee.
Kasama ni Sema sa pag-submite ng kanilang petisyon sa Comelec ang mga kapwa opisyal ng MNLF na sina Abdulgalib Isnani Halud at mga kasapi ng Bangsamoro parliament na sina Omar Sema ng Cotabato City, Adzfar Usman ng Sulu at sina Muslimin Jakilan at Hatimil Hassan, parehong mga taga Basilan.
Popular ang BAPA party, may mahigit 200,000 na na mga miyembro at supporters sa anim na probinsya at tatlong lungsod ng Bangsamoro region, sa mahigpit na pagbabawal nitong gamitin ng mga kasapi at mga taga-suporta ang Facebook at ang print at broadcast media sa pang-aatake, o paninira sa ibang mga regional political parties sa autonomous region.
Magkatuwang ang MNLF at Moro Islamic Liberation Front, na ang chairman, si Ahod Ebrahim, ay siyang chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sa pamamahala ng mga peace and local community-empowerment programs ng ilang mga ahensiya ng BARMM regional government. (JUNE 25, 2024)