Magsasakang Teduray at kabayo, nakuryente, tepok

Agad na namatay ang isang magsasakang etnikong Teduray at ang kanyang kabayong sinasakyan ng kanilang masagi ang isang high-tension power cable na napabayaang nakalaylay mula sa isang poste sa South Upi, Maguindanao del Sur nitong gabi ng Linggo, June 16, 2024.Sa mga hiwalay na ulat ng mga Teduray tribal leaders at ng pulisya, nalagutan ng hininga ang biktima, si Ronald Cornelio, kasunod ng ilang segundong pagkikisaykisay nito at ng kanyang kabayo ng kanilang nasagi ng power cable mula sa isang poste sa isang liblib na lugar sa Guila-Guila sa South Upi.Sa mga ulat na nakarating sa tanggapan ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nadeklarang dead on arrival si Cornelio ng medical workers sa isang pagamutan sa South Upi kung saan siya isinugod ng mga kakilala at barangay officials na nagbakasakaling maari pa siyang mabuhay kung malapatan ng lunas. Ayon sa mga kasapi ng South Upi Municipal police, pauwi na sa Ranao Badak si Cornelio, sakay ng kanyang kabayo ng maganap ang insidente sa isang lugar sa Guila-Guila na madilim, walang ilaw sa kapaligiran. (JUNE 18, 2024)